Mahigit isang taon ko nang gustong makausap si Tito Sen. Medyo nakaiirita kasi siya. At bagama’t matagal na akong tagahanga ng VST and Co., ang showbiz fan ay hindi political fan.
Setyembre noong nakaraang taon nang una akong nagulantang sa ating Senate Majority Floor leader. Kung inyong matatandaaan, pinabubulaanan niya noon ang istatistika ukol sa dami ng buntis na nanay na namamatay. Napakasakit at nakapanliliit ang ginawa ni Sotto; may kilala akong mga community health worker sa urban poor areas na maraming kilalang inang nabawian ng buhay. Simple lang ang panawagan namin noon: “Sotto, humingi ka nang patawad sa aming mga ina.”
Pero hindi nagkakamali si Senator Sotto. Mahirap na ina man o anak ng bayaning Amerikano, walang siyang sinasanto. At, higit pa, hindi siya nagsosorry. Tunay na lalaki (TNL) raw kasi siya. Kaya naman ganun kakapal ang kanyang bigote (sayang wala na siyang balbas).
Dalawang beses ko nang hinamon magdebate si Tito Sen, at dalawang beses na niya akong binasted. Napakasakit, Kuya Eddie.
Una ko siyang hinamon noong 2011 para maipaliwanag niya kung bakit ayaw niyang tanggapin ang dami ng kasong maternal mortality sa Pilipinas. Gusto ko ring ipaliwanag niya kung bakit nakaya niyang magsinungaling ukol sa bisa at pagiging ligtas ng mga condom, IUD, at pill. Huwag na raw; kadebate na raw niya sina Senadora Pia Cayetano at Miriam Defensor Santiago. Nakaiinsulto raw sa dalawang senadora kung ako ang debatihin ni Tito Sen.
Dahil dito, tinanong ko ang mga pinagpipitagang mga senadora kung okey lang sa kanilang mahiram si Tito Sen. Kahit konting pagtingin lang naman, diba? Awa ng diyos, pumayag ang dalawa.
Kaya hinamon ko ulit si Sen. Sotto noong nakaraang Setyembre. Kasama ko naman noon ang kaibigan kong si Miguel Syjuco. Bilang manunulat, guro, at patnugot, hindi masikmura ni Miguel ang lantarang pangongopyang ginawa ni Sotto sa Senado. Lalo na dahil paulit-ulit niya itong ginawa na para bang nangungutya. Ang sagot ni Tito Sen sa bagong hamon: Pahalal muna kayo!
Aray. Medyo KSP nga siguro kami, pero akala ko macho si Tito Sen. Akala ko handa niyang sagutin ang lahat. Akala ko wala siyang itinatago. Akala ko may agimat ang mga Sotto. Baka si Enteng lang …
Nabanggit ko na fans ako ng VST. Ngayong mga nakaraang buwan, nagkaroon ako ng pagkakataong sariwain ang mga nakaiindak na awitin ng pinakamahusay na disko band noong dekada 70. Ito’y mula sa mga panahong buhay pa ang OPM … Biro lang.
Ika ng VST dati, “Aaaaahhh, awitin mo, at isasayaw ko.” Ika naman ni Tito Sen ngayon, “Aaaaaahh, isulat mo, at kokopyahin ko.”
Pero sa tingin ko, mainam na pakinggan ulit ni Tito Sen ang VST senti hit na “Ipagpatawad Mo.” Simple lang naman kasi ang hinihingi kay Tito Sen ng anak ni Robert Kennedy na si Kerry at ng tatlong blogger: Humingi ka ng tawad.
Mapagpakumbaba ang singer ng “Ipagpatawad Mo.” Sabi niya, “Ipagpatawad mo, aking kapangahasan. Binibini ko, sana’y maintindihan.” Dagdag pa niya, “Di ko masisi na ako ay pagtakhan, di na dapat ako pagtiwalaan.” Yung banda na lang sana niya ang gayahin at kopyahin ni Tito Sen. Bakit ba kasi ang yabang pa niya?
Buking na buking na nga nagpapalusot pa. “Copying is the highest form of flattery?” Ansabe? Eh bakit hindi na-flatter si Kerry Kennedy? Sa katunayan, nainis pa ito, gayong binaluktot ni Sotto ang salita ng kanyang ama upang salungatin ang karapatang reproduktibo ng kababaihan—mga karapatang ipinaglalaban ng Robert F. Kennedy Foundation.
Hiyang hiya na ang taumbayan kay Tito Sen. Tila pambansang kahihiyan na ang dating national treasure ng Pinoy comedy at Pinoy disko. Pero siguro naman handang umunawa at magpatawad ang taumbayan. Pag-amin lang naman ang hinihingi nila.
Sana nama’y ipagpatwad mo, ang malabis na kabilisan ko.
Iniisip ko ang VST nang mag-file kami ng ethics complaint kay Sotto sa Senado. Katunayan, nagsuot ako ng VST t-shirt. Bilang parangal kay Tito Sen, pinakopya ko sa matalik na kaibigan ang logo ng banda. Gayang-gaya, kanang-kana, eksaktong eksakto. Parang yung mga talumpati ni Sotto.
Simple lang ang dahilan kong bakit ko sinuot ang t-shirt: gusto kong ipaalala kay Tito Sen na may buhay pagkatapos ng pulitika. Nandyan pa rin ang showbiz. Nandyan pa rin ang disko. At sa dina-dami ng fans ng Eat Bulaga, Iskul Bukol at VST (kabilang na ako), siguro naman may tatangkilik at magmamahal pa rin kay Tito Sen.
Kanta na lang sa halip na talumpati. Patawa sa halip na kopya. Katuwaan sa halip na kahihiyan. Kalimutan mo na ang pulitika, ser. Tayo’y magsayawan na lang muli.
—
Image from socyberty.com